Home » Archives » 05. June 2009
kapalaran
June 5, 2009
Bakit daw mahirap maging masaya at malaya ng sabay?
Ang mga ninanais ng puso at isipan mo akala mo abot kamay mo na pero isang pikit mata lumihis ito ng lipad papalayo sa mga palad mo. Bakit ka pa binigyan ng laya na mangarap kung sadyang may mga bagay sa mundo na hanggang pangarap na lamang at hindi kailanman mapapasakamay mo kahit anong pilit mo. Ngunit sadyang matigas at rebelde ang puso at isip ng tao, mapilit parin sa mga imposible, hindi nalalaan para sa kanya at maging ang mga bawal sa mundo. Malupit daw ang tadhana pero may mas lulupit pa ba sa ginagawa ng tao na kalabanin ang lahat maging ang tadhana kung kaya pinili na pasakitan ang sarili dahil yun lang daw ang makakapagpasaya at makakapagpalaya sa kanya.
Ano nga ba ang sukatan ng kasiyahan at maging ng kalayaan? Hindi ba sumasutal nito ang pagiging makasarili? Sabi ng tao hindi ka magiging makasarili kung may pagmamahal sa puso mo. Subalit hindi ba may iba’t ibang klase ng pagmamahal, meron yun totoo (unconditional) at meron hindi totoo (selfish).
Nagbabago ang hinaharap tuwing nagbabago ang hubog ng isip at puso ng tao, ngunit hindi nga ba hindi naman nagbabago ang mga guhit sa iyong palad na sinasabi rin nilang kapalaran mo sa darating na hinaharap. Kung maipapaliwanag ko lang ang katotohanan gamit ang aking palad o ang mga bituin sa langit, baka sakali maintindihan ko ang lahat-lahat sa mundo. Subalit hindi ko rin naman yun gugustuhin dahil matatali na lamang ako sa mga propesiya na tulad ng tadhana na nagbabago rin naman o maaaring malaking kasinungalingan lamang.
Ang hiram na buhay
may pinanggalingan
may paroroonan
may hangganan







